tumblr youtube spotify email website pinterest googleplus
Aug 19, 2017
Shares
Share Tweet 0 Comments

Hindi na bago sa pop culture ang konsepto ng “the one that got away.” Idea ito na madalas talakayin ng mga pelikula at literaturang romantiko. Madalas umiikot ang mga kwentong ganito sa isang lalaking may hinahabol na babaeng maganda, malakas ang dating, komplikado. Dahil isa na itong naratibong nakasanayan na ng manonood, kinakailangang gamitan ng kakaibang elemento ang istorya upang maging matagumpay at mabigyan ng bagong buhay.

Ang 100 Tula Para Kay Stella ni direk Jason Paul Laxamana ay isang pelikula tungkol sa pag-ibig ni Fidel (JC Santos), isang utal na college student, para kay Stella (Bela Padilla), isang rakistang free-spirited. In true rom-com fashion, nagkakilala ang dalawa sa pamamagitan ng isang meet-cute, kung saan ipinahiram ni Stella—ang babaeng naka-itim na lipstick—ang kanyang hoodie kay Fidel dahil may mantsa ang pantalon ng lalaki. Freshies Night nila sa college, at dahil sa bait at magandang boses ni Stella, hindi mapigilang mahulog ang puso ni Fidel para sa astig na dalaga.

Ang problema: may boyfriend si Stella na kabanda niya, at ang tingin at turing niya kay Fidel ay kaibigan lamang. Aray.

Dahil utal si Fidel, hindi niya kayang magsalita nang tuluy-tuloy, maliban kung tatlong salita lamang ang laman ng kanyang pangugusap. Mahilig siyang magsulat ng tula, paborito niyang outlet for self-expression. Sa mga tula niya binubuhos ang lalim ng kanyang mga nararamdaman para kay Stella. Plano niyang ibigay kay Stella ang koleksyon na ito pag nakakumpleto siya ng 100 tula.

Sinusundan ng pelikula ang ebolusyon ng kanilang pagkakaibigan, isang masaya at masakit na proseso. Matututunan ni Fidel na hindi lahat ng minamahal mo ay mamahalin ka rin. That's life, ika nga. Timing ang kulang sa diskarte ng awkward na leading man. At dahil tanging diyosa ang tingin niya kay Stella, bulag siya sa mga hindi kanais-nais na ugali ng dalaga.

Oops, wag tayong judgmental. Walang ginagawang masama si Stella. Hindi niya kasalanan na trip siya ni Fidel at hindi niya ma-reciprocate ang damdamin ng binata para sa kanya. Pasensya, tao lang. Bata. At tulad mo, may mga sariling pangarap at maling desisyon sa buhay. 

Grabe ang chemistry ni Bela Padilla at JC Santos. Kung hahayaan mo, ibang klaseng kilig ang kayang ihatid ng kanilang tambalan. Keso kung keso, pero pag tama ang timpla ng eksena, hindi mo mapipigilan ngumiti. Isang rebelasyon si Bela, na ang kutis ay sing-puti ng gatas at may mga matang nakakabighani. Natural siyang umarte—madadala ka sa kanyang mga munting kilos at tingin. Nakakaaliw naman si JC—tahimik ang kumpyansa sa sarili at emosyonal ang pag-atake sa material. Sila ang napakahusay na secret weapons ng pelikula.   

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Malakas ang script at direksyon ni Laxamana, ngunit hindi maiiwasang ihambing ang 100 Tula sa mga pelikulang romantiko na nauna rito. Ang Annie Hall (1977) ni Woody Allen ay isa sa pinakasikat na rom-com sa kasaysayan ng cinema. Nariyan din ang 500 Days of Summer, na pinangunahan nina Joseph Gordon-Levitt at Zooey Deschanel. Sadya man o hindi, mapapansin ang mga allusions ni Laxamana sa mga pelikulang ito, and this doesn't negatively affect the movie as a whole. 

If anything, paalala ang pelikula na mahalaga ang mga ganitong kwento dahil nangyayari naman talaga ito sa totoong buhay. Lahat nasasaktan. May mga pagkakataong tatanggihan ka ng taong minamahal mo. Kinakailangan intindihin ng kalalakihan na hindi lahat ng babaeng type mo ay type ka rin, at okay lang yun. Kung sawi ka man, wag ka nang magalit o mangamba. May naghihintay para sa'yo. At di lang hilig sa mga tula ang magtutugma sa buhay ninyo.

COMMENTS

LATEST STORIES

LOAD MORE STORIES