tumblr youtube spotify email website pinterest googleplus
Aug 18, 2017
Shares
Share Tweet 0 Comments

Posible bang ma-in love sa isang millennial na manananggal?
 
Depende siguro yan sa panlasa at sa lasa mo. Factor din kung solid ang bituka mo para sa sakyan ang mga bagaheng karga niya.
 
Kasi tulad ng nakararami sa atin, kaya rin niyang magpaka-emo basta love na ang pinag-usapan. Tingnan mo na lang itong si Jewel (Ryza Cenon), Ang (misteryosang) Manananggal sa Unit 23B.
 
May pagka-loner ang dalaga. Kuntentong tumambay nang mag-isa sa roof-deck-slash-sampayan-ng-bayan ng building kung saan siya sinusundo ng Uber nung di pa ito sinususpindi ng LTFRB. Mahilig siyang makinig sa mga swabeng senti gamit ang Voombox-Travel bluetooth speaker na lagi niyang bitbit. Ang husay ng playlist niya, siksik sa mga premyadong likha ng mga batikan at sumisibol na musikerong Pinoy ngayon—“The Fish Song” ng Arigato Hato, “Seabass” ng Taken By Cars, “St. Petersburg” ni Reese Linsangan. Nakakainggit...ang dami niyang oras mag-download.

Mahilig din siya sa balut, ang sinasabing sikreto raw ng mga machong (o ng mga D.O.M. lang ba?) haling na haling sa sex. Ang quota niya: minimum tatlo sa isang upuan (anong Lipitor ang pinagsasabi mo?)—siyempre, kasama pati sisiw. Paborito niyang panoorin ang mga teleseryeng madaling tumatak sa mga fans na mapagpatol sa mga pantasya, Prince Charming, at happy ending pagkatapos ng mga epikong sampalan, singhalan, sigawa’t sabunutan.

Kasing bagal ng alaga niyang pagong na si Edward (inspired ni Robert Pattinson sa Twilight?) ang takbo ng simple’t boring na buhay ni Jewel. Nagkaroon lang ito ng kulay nang makilala niya si Nico (Martin del Rosario), ang bagong lipat na kapitbahay na spoiled sa lola niyang minsang nakapangasawa ng isang German expat (Vangie Labalan).
 
Para sa isang fight instructor—at hilaw na MMA fighter—madalas umuwing gulpe sarado si Nico. Ang problema, di lang sa career sumasabit ang binata. Malas din siya sa pag-ibig, kahit pwede naman siyang maging Candy Cutie pag naghilom na ang kanyang mga sugat at pasa.

Nagsimula sa mga asiwang meet-cute ang interaksyon ng dalawa. Hanggang sa naging kumportable na sila sa isa’t isa at nakayanan nang maglaba sa laundromat nang sabay at walang ilangan.
 
Mas napadalas at napahaba pa sa small talk ang kanilang mga sumunod na bonding sessions. Mga chikahang pang-two bottles, pero over beef mami—at, as usual, balut—imbes na beer. Unti-unting natunugan ni Jewel kung ba’t sa telepono lang nakipag-break ang ex ni Nico sa kanya at kung ba’t pula lang ng balut ang kinakain niya. Nakilala rin niya ang alagang pagong ng kapitbahay—si Dumbledore, mula sa mega-franchise na Harry Potter na minsan ding naging bahagi ang madalang magsuklay na ex ni Kristen Stewart.
 
Kahit halatang nahuhulog na ang damdamin ni Jewel para kay Nico, may pumipigil pa rin sa kanyang magpaka-all-out. Malagim kasi ang itinatagong lihim ng dalaga, kasing dahas ng mga napapabalitang kaso ng tokhang na iniiwasan niyang mapanood sa TV.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Paano nga naman niya maipaliliwanag ang lahat-lahat kay Nico? Paano niya mapararama ang pagmamahal nang di mag-aalala kung katatakutan ba siya ng binata o hindi? Paano kung kapag nag-MOMOL na sila ay biglang umatake ang sumpong na di pa niya ganap na mapanlabanan at si Nico ang tuluyang maging dinner niya tonight?

Kahanga-hanga na hindi istriktong horror movie Ang Manananggal Sa Unit 23B, lalo't kung ikukumpara, halimbawa, sa "Manananggal" episode ng pinakaunang Shake, Rattle and Role (1984) na pinagbidahan nina Irma Alegre at Mayor Bistek at sa Impaktita (1989) na pinangunahan naman ni FHM cover star Jean Garcia.

Nung una nga, naisip namin na baka serial killer si Jewel at hindi ang halimaw na sinasabi ng pamagat. Maaari kasing ginagamit lang niya ang pantasya ng manananggal para bigyan-katwiran ang kanyang kinikimkim na galit sa mga gimekero't kaliweteng milllennial na nilalandi at ikinakama niya muna sa tuwing umaatake ang kanyang kati bago tuluyang patayin.

Pwede ring simple lang ang trigger ni Jewel, tipong baka umabot lang sa sukdulan ang pagiging Vilmanian niya. May naka-display kasing poster sa may headboard ng kama niya ng Tagos ng Dugo (1987) kung saan gumanap na serial killer ang Star For All Seasons. Parehong hitik sa mga elements ng isang psychosexual/neo-noir thriller ang Tagos at Ang Manananggal—libog, seduction, sex, orgasm, bulok na lipunan, mga ganun.

Gayunpaman, isang love story Ang Manananggal una at higit sa lahat—at walang masama roon.

Ang totoo, hindi dugo, kilabot, at maiinit na sex scenes ni Ryza ang hahatak sa'yo para panoorin ang pelikula ni direk Prime Cruz (Can We Still Be Friends?) kundi pang-unawa't lambing. Hindi ka rin lalanggamin—o magtatatawag na kainuman para lang magkaroon ng kasama habang nagpapaka-walwal—pag nasaksihan mo na ang mga eksenang sukat na sukat ang hugot at kilig.

Mahusay na itinawid ni Ryza ang pelikulang masasabing pinaka-daring niya. Huling-huli sa pagmumungay at panlalaki ng kanyang mga mata at sa malamlam niyang titig sa kawalan ang mga happy-sad moments na madalas pagdaanan ng mga taong sabay na desidido at takot magmahal. Kalkulado ang bawat kilos niya't pananalita sa piling ni Nico—matipid, tahimik, hindi takaw-pansin. Kabaligtaran naman pag nais na niyang angkinin ang gabi—agresibo, walang pakialam, takaw-tukso.

Epektibo rin niyang nilaro ang mga damdaming nararamdaman ng dalawang bahagi ng pagkatao ni Jewel: Ang malungkot at nakadidismayang katotohanan na walang magmamahal sa kanya at ang mabangis at malinamnam na kapalit ng pagiging NBSB niya forever. Sa tulong na timpladong cinematography, matalas na editing, masidhing musika, maigting na script, at kapani-paniwalang suporta nina Martin at Ma'am Vangie, ipinakita nina Ryza, Direk Prime, at ng Ang Manananggal ang ligaya't lagim na kailangang danasin sa ngalan ng pagmamahal.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kaya mo bang sikmurain ang lahat-lahat at manindigan para rito?   

 

COMMENTS

LATEST STORIES

LOAD MORE STORIES