tumblr youtube spotify email website pinterest googleplus
Aug 21, 2017
Shares
Share Tweet 0 Comments

Naalala ko nung pumunta ang nanay ng nanay ko sa burol ni Lolo. Ang lola namin ang una niyang asawa.

Pumanaw ang tatay ng nanay ko sa piling ng pangalawa niyang kapisan, kaya inabangan namin kung may bibisita ba galing sa legal na pamilya maliban sa amin. Sibil ang naging tagpo ng dalawang partido; nakapag-usap pa nga ang mga na-biyuda ng parang walang nangyari.

At nang sinilip na ni Lola ang dati niyang asawa, wala ni isang luha ang pumatak.

May pagkakapareho ang eksenang ito pero hindi kasing-laugh trip ng mga tagpo sa Patay Na Si Hesus

Tinatanong ko pa lang sa sarili ko kung handa na ba ang Pilipinas sa ganitong uri ng pagpapatawa nang mapanood ko ang kwento nina Iyay (Jaclyn Jose) at tatlo niyang anak na sina Jay (Melde Montañez), Judith Marie, ay Jude pala, (Chai Fonacier), at Bert (Victor Viado).

Tungkol sa isang single mother na pinilit ang kanyang mga anak na pumunta sa libing ng kanilang ama ang Patay Na Si Hesus (sa direksyon ni Victor Villanueva). Tiniis ng tatlong magsiksikan sa multi-cab ng ina kahit wala naman talaga silang ka-amor-amor sa ama. 

Sa haba ng biyahe mula Cebu hanggang Dumaguete, maraming pinagdaanan ang pamilya—literal at matalinghaga—habang nasa kalagitnaan ng road trip na babago sa kanilang mga buhay.

Labing-apat na taon na rin ang nakalipas mula nung unang pinalabas ang pelikulang Ang Tanging Ina. Yun agad ang naalala ko habang pinapanood ang isang nanay na mag-isang pinalaki ang kanyang mga anak. Mas marami man ng apat na beses ang pinapakaing bibig ni Ina Montecillo (Ai Ai delas Alas), halos pantay naman sila ni Iyay ng bigat ng dinadala.

Damang-dama iyon kung paano buhatin ni Ms. Jaclyn ang pelikula. Ano pa ba'ng aasahan mo sa isang Cannes Best Actress? Halata mang hirap mag-Cebuano, hindi naging sagabal yun para pigilan ang paglutang ng premyadong pag-arte ng aktres. Para sa isang karakter na nakaranas ng kakaibang hirap sa buhay bilang isang single mom, hindi namin inaasahang uubra ang kanyang plakadong emotionless acting dito. Kuhang-kuha niya na ang hinihingi ng pagkakataon na maging matatag siya para sa mga anak.

Marapat ding bigyang pansin si Chai na nagbigay buhay sa isang trans man na nagmahal, nasaktan—at nag-lipstick—para sa pag-ibig. Nakakabilib din ang mga katulad ng ni Victor na nagampanan ang pagiging panganay kahit na may Down Syndrome, habang swak naman si Melde sa papel ng pasaway at mapang-asar na bunso.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi rin pwede kalimutan ang pagganap ni indie stalwart Mailes Kanapi bilang Tita/Sister Lucy at ang family dog na si Hudas, na magkabaliktad man ang bilang ng linya ay parehong kinulayan ang kwento sa kanilang sariling paraan.

Maliban sa mahusay na pag-arte ni Ms. Jaclyn, ang talagang nagdala sa Patay Na Si Hesus ay ang epektibong paggamit ng mga nakakatawang visual gags. Swabe ang pagkakapasok ng kalokohan sa mga eksena, tipong magugulat ka na lang pag nasa harapan mo na. Kung iisipin, hindi ganun ka-komplikado ang buod ng pelikula kaya kinailangang paglaruan ang bawat sitwasyon—kahit na may pagka-kontrobersyal ang kinalabasan ng ilan sa mga ito.

Sa likod ng nakakahumaling na pagsasayaw ni Viado at pagmumura ni Iyay ay ang naratibo ng isang dysfunctional na pamilya na pinipilit gawing normal ang pag-ikot ng gulong ng buhay. Pareho ang dahilan ng manonood kung bakit sila maiiyak at matatawa rito: Makikita nila ang kanilang mga sarili sa katauhan ng mga nagsiganap.

Sinasalamin ng Patay Na Si Hesus ang minsang di pagkakasundu-sundo ng mga miyembro ng isang tipikal na pamilyang Pinoy. Ma-drama man kung minsan, may komedya pa ring madarama sa mga sandaling ito, lalo na't likas na masayahin ang mga Pilipino. At kahit gaano mang kalalim ang kanilang pinag-awayan, asahan mong sabay-sabay pa rin silang kakain ng hapunan mamayang gabi.

 

COMMENTS

LATEST STORIES

LOAD MORE STORIES